Pahayag ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) sa paggunita sa International Week of the Disappeared sa taong 2023
Patuloy ang hamon sa mga pamilya ng desaparecidos ang pagsusulong ng katotohanan at paglaban sa pagbabaluktot ng kasaysayan, partikular sa bagong administrasyong ito na naghahatid ng pamilyar ngunit panibagong mga pangamba hinggil sa pagkamit ng matagal nang hinahangad na hustisya para sa mga biktima ng sapilitang pagwala.
Sa paggunita sa International Week of the Disappeared ngayong taong 2023, lalo pang pinagtitibay ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) ang panawagan nitong tuluyan nang wakasan ang sapilitang pagwala. ‘Di maipagkakaila na patuloy ang paglabag ng estado sa mga karapatang pantao hanggang sa kasalukuyan, kabilang ang sapilitang pagwala. Kaalinsabay nito ang hayag na banta na burahin sa kasaysayan ang mga naturang paglabag–mistulang alisin sa kamalayan ng lipunan ang pag-iral ng tuluyang pagkawala ng mga desaparecidos.
Sa kabila ng haba ng laban ng FIND kasama ang iba pang mga organisasyon at indibidwal na lumalaban para sa karapatang pantao, kinikilala ng mga pamilya ng desaparecidos na tuloy pa rin ang estado sa paglalagay sa panganib ng karapatang pantao. Mula nang mahalal ang Pangulong Marcos Jr., ilan na ang naitalang naging biktima ng sapilitang pagwala. Sa pagpasok ng taong ito, isa na ang kaso nina Dyan Gumanao at Armand Dayoha, kapwa progresibong development workers mula Cebu na dinukot at itinago ng mga nagpakilalang miyembro ng kapulisan. Nitong ika-28 Abril lamang, naiulat ang pagkawala ng dalawang tagapagtanggol ng karapatan ng minoryang katutubo na sina Dexter Capuyan at Gene Roz “Bazoo” de Jesus na hanggang ngayon ay hindi pa naililitaw. Sila ay pinaghihinalang dinukot ng mga nagpakilalang mga miyembro ng Criminal Investigation and Detention Group o CIDG. Kamaikalan lang rin, dumagdag sa listahan ng mga iwinala sa taong ito at sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. sina Patricia Cierva at Michael Cedrick Casaño na pinaghihinalang hinuli ng mga puwersa ng estado. Silang dalawa ay kilala bilang mga aktibistang lumalaban para sa karapatan ng mga kabataan at pesante. Ang mga pagwala na ito ay ilan lamang sa marami pang nagpapatotoo sa pagpapatuloy ng sapilitang pagkawala. Hayag ang pattern sa mga kaso ng mga sapilitang pagkawala—ito ay mga indibidwal na piniling ipaglaban ang karapatan ng mga inaapi. Maituturing na krimen ang pagwala sa mga indibidwal na ito ayon sa RA 10353 o Anti-Enforced Disappearance Law na isinabatas noong 2012 at sa International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance (CPED).
Kinikilala ng FIND ang kahalagahan sa pananatiling matatag ng hanay laban sa lahat ng paglabag sa karapatang pantao. Higit pa rito, iwinawaksi ng organisasyon ang anumang tangka na baguhin ang hubog ng kasaysayan upang magsilbi lamang sa interes ng mga makapangyarihan na siyang lalong nagpapahirap sa pagkamit ng katotohanan at katarungan.
Taglay ng mga pamilya ng mga iwinala ang paniwala na ang tuloy-tuloy na pagsulong sa katotohanan sa panahong umiiral ang lantarang pagbabaluktot sa kasaysayan tungo sa pag-abot ng katarungan. Nakikiisa ang FIND sa mas malawak na panawagan na itigil ang sapilitang pagwala sa buong Asya sa pangunguna ng Asian Federation Against Involuntary Disappearances (AFAD).
Panghawakan ang katotohanan, labanan ang sistematikong pagbura sa kasaysayan! ITIGIL ANG KRIMEN NG SAPILITANG PAGWALA! ILITAW ANG LAHAT NG IWINALA! IPATUPAD ANG ANTI-ENFORCED DISAPPEARANCE LAW!