Ngayong ika-25 ng Pebrero, 40 na taon mula noong EDSA People Power Revolution, ating inaalala ang lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao, kabilang na dito ang mga sapilitang iwinala, sa ilalim ng diktadurang Ferdinand Marcos Sr.
Binalot ng kadiliman ang buong bansa sa ilalim ng batas militar ni Marcos Sr. Sa loob ng 14 na taon, libu-libo ang matatalang paglabag sa karapatang pantao. Sa panahon na ito, ayon sa Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND), may naitalang 1,034 na biktima ng sapilitang pagkawala – 626 sa bilang na ito ay hindi pa rin nalilitaw. Marami sa mga ito ay mga kabataan, lider-manggagawa, mamamahayag, at kritiko ng gobyerno na ninakawan ng kinabukasan.
Kahit naibagsak na ang diktadurang Marcos, nagpatuloy pa rin ang estado sa paggawa ng krimen ng sapilitang pagwala mula noon hanggang ngayon.
Ngayong nasa poder ng Malacañang ang mismong anak ng diktador, walang katiyakan na makakamit ang hustisya para sa lahat ng biktima. Sa kasalukuyan, may 56 na naiulat na kaso ng sapilitang pagwala sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. Labing-apat na taon mula nang isabatas ang RA 10353 o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012, wala pa ni isa ang nahatulan ng krimen at napapanagot habang nagpapatuloy ang mga pamilya ng mga iwinala sa paglaban para sa katarungan at katotohanan.Patuloy ding tinatanggihan ang paglagda at pagratipika ng International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance.
Bahagi lamang ang kaso ng sapilitang pagwala sa mas malawak na kultura ng impunidad na umiiral sa ilalim ni Marcos. Nitong ika-1 ng Enero, nagpaulan ng mga bomba ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga sibilyan ng Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro kung saan 3 kabataang Mangyan at 1 kabataang researcher ang namatay, iilang ina ang sugatan, at mahigit 188 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Gayundin, patuloy na ikinakasangkapan ng estado ang mga gawa-gawang kaso para busalan ang mga kritiko nito. Noong ika-22 ng Enero, bagaman pinawalang-sala ang kaso laban kina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil ng illegal possession of firearms and explosives, hinatulan pa rin sila ng terrorism financing at humaharap sila sa 12 hanggang 18 taon na pagkakakulong.
Patunay ito na hangga’t nasa poder ng Malacañang si Marcos at ang mga kroni niya, patuloy ang kultura ng impunidad at malayo pa ang pagkamit ng hustisiya.
Sa paggunita natin sa diwa at lakas ng sambayanang Pilipino ng EDSA People Power, alalahanin natin ang mga biktima ng sapilitang pagwala. Bitbit ang poot at pagluluksa, gawin natin itong lakas upang patuloy na manawagan ng hustisya at pananagutan sa lahat ng nagdaang rehimen sa kanilang kapabayaan at impunidad! Muling tipunin ang lakas ng nagkakaisang mamamayang Pilipino! Sumama sa EDSA@40 commemoration protest!
#EDSA40
#EDSAPeoplePower
